funkylady

Hindi yan typo. Nagsimula yan years ago, every 23rd of the month, nagsasabihan kami nyan ni hny. Happy, happy [count number of months together]. Bakit kailangang ulitin yung happy? Dahil feeling naming dalawa parang hindi masyadong masaya pag happy lang. Parang kulang. Parang nickname nating mga Pinoy; Bong-bong, Ning-ning, Ging-ging, Mon-mon. Okay foul yung last name. Super sorry sabi nga ng mga dalagita sa kwento ni Bob (sa lahat ng kuwento na sinulat ko today, lahat andun yung name ni Bob).

Ngayon bakit four times ang happy sa post na to? Dahil bukod sa happy, happy 76th month; happy, happy birthday rin sa hny. Corny no.

Ang tagaaaaal na namin, as in. Ngayon ko lang din na-realize. Naging kami, 21 pa lang sya at 19 naman ako. Nge ang tanda na natin bun!!

Problemang malaki dahil para sakin hindi ko kayang i-summarize ang six years and 4 months na yun into one short post. Or in one long novel na kasingkapal ng Name of the Rose ni Umberto Eco. Saka hindi ko rin kayang sabihin ang sikreto kung bakit inabot kami ng ganito katagal. Kasi wala namang sikreto. Basta ang alam ko lang kung yung isa sa couple ay pangit ang ugali dahil immature, mababa yung EQ (aka impatient), at control-freak dapat mabalanse yan nung isa. So dapat yung isa ay mature, mataas ang EQ, at willing magpa-control. Ngayon okay lang hulaan kung sino at sino saming dalawa yun. Hehe

Dapat din pala nakakapag-usa kayo hindi lang bilang couple kundi bilang magkaibigan rin. Halimbawa, kami nag-uusap tungkol sa music, books, food, at buhay ng mga ka-opisina at kabarkada. Pwede ring hulaan dito kung sino saming dalawa yung mahilig magkwento tungkol sa buhay ng ka-opisina at kabarkada. Sigurado ako magkakamali ka ng hula.

Kahit na magkalayo kami ng milya-milya at anim na oras ang difference ng time zone namin, hindi excuse yun para hindi mag-usap. Kaya hanggang ngayon hindi ko pa bayad ang phone bill ko since March. Nakita ko rin sa phone bill na almost everyday ay may tawag ako sa cellfone mo bun.

Pag ganito na katagal yung relationship ninyo, marami kang matututunan tungkol sa sarili mo at marami ka ring madidisprove. Tulad na lang ng kadaldalan. Akala ko madaldal na ako. Sabi kasi ng parents ko, nun daw bata ako meron daw akong taped monologue na nagkukuwento ako tungkol sa kalabaw. 90 minutes yun, hindi ko alam kung anong nakain ko bat ako nagkwento ng ganun. Pero yung mga matatanda, alam kung anong nakain ko. Sila ang nagpakain nun e. Shet na pamahiin yan.

Yun, akala ko madaldal na ako. Pero meron palang mas. Yung tipong kailangan mong sabihin na ok natutulog na ako o kaya nagbabasa po kaya ako.

Akala ko rin vain ako. Pero may mga studies na nagsasabing mas vain daw ang mga guys. Sigurado ako bun na isa ka sa na-interview dun sa study na yun. Meron syang (ano yung opposite ng kikay kit? Dow- Pogi Pack), yun. Na naglalaman ng Clinique happy for men, Ralph Lauren na facial wash, sabon, toothbrush, toothpaste, mouth wash, hair wax, at face towel. Okay lang yan, at least hindi amoy pawis ang boyfriend mo di ba.

Isa pang palatandaan na destined to be together kami. Kasi meron akong bisyo na akala ng parents ko ay isang abnormality. Mahilig akong magkuskos ng paa sa kulambo. Pero simula nung mag-college ako, ni-restrain ko na yung sarili ko, eventually nawala rin naman. Kaya nagulat ako ng nalaman ko na ganun ka rin bun. Sobrang coincidence!! At nalaman ko rin na hindi lang tayong dalawa ang may ganitong bisyo. Meron akong roommate dati na nagbabaon pa talaga ng kulambo kahit na mago-overnight sya sa bahay ng classmate. Tapos may isa pa na iginawa talaga sya ng nanay nya ng maliit na unan na nababalot ng kulambo para dala nya kahit saan. Tapos meron din akong kakilala na pagdating ng bahay, naglalagay ng fishnet sa paa para kahit na san sya pumunta sa loob ng bahay, nakakapagkuskos sya ng paa.

Tapos siguro dahil na rin sa tagal ng pagsasama namin, eye contact pa lang alam na ng isa yung message. Di na kailangan ng sms. Either merong nakakatawa sa paligid o merong problema. Halimbawa, andyan na yung kaklase namin na naka-tuck in ang damit sa blip o kaya kailangang mag-p**p sa school. Nagpapasahan rin kami ng notes habang nasa klase. Kung hindi sya busy sa pagdo-drawing at ako naman sa seryosong pagno-notes.

Leo rin kami pareho. Pero napakadalang na nagka-clash kami kasi okay lang sakin na minsan panalo sya sa Boggle. Madalas nagko-complement pati mga pangarap namin sa buhay. Gusto nyang magtayo ng foundation para sa mga bata, ako naman gusto ko ng haven para sa orphaned elderly. Kami rin ang number one fan at critique ng bawat isa.

Lagi rin kaming nandyan para sa isa’t-isa. As in literally. Halimbawa pag hindi sya pwedeng pumasok sa MA class at hindi makaka-attend sa group meeting dahil may coup attempt sa palasyo. Since pareho naman kami ng group, representative ang kahit sino sa aming available na umatend na kadalasan ay ako. Pero hindi kami nagta-tag team sa exams. Isa pang halimbawa, pag naglalaro sya ng Doom o kaya ng Medal of Honor, taga-cheer nya ako pag natatalo nya yung mga kalaban at taga-console naman pag nahihirapan na sya sa isang level. Ganun din sya sakin nung dating na-addict ako sa Pokemon, Battle Realms, Sim City, Sims, at Ragnarok.

Meron pa palang isang importanteng element, respect for each other. Halimbawa, gusto nyang magpatugtog, e nagbabasa ako ng libro at ayoko ng maingay, so either hinaan nya yung volume or i-turn off totally yung radio at magbasa na lang din, since hindi rin naman nya ako makausap. Respect. Pag may pupuntahan kami, tapos ayaw ko ng suot nyang damit, either magpalit sya or hindi kami aalis o maghapon akong nakasimangot. Respect.

Kadalasang masaya yung relationship namin kasi siguro may pagka-weird kaming dalawa at maraming pakulo ang naiisip. Andyang mag-coordinate ng suot na damit sa wedding ng friend. Naka-cheongsam ako at siya naman e nakabarong na may Chinese collar. Ganun. Hindi ko sinabi na mag-pareho ng kulay ng suot at magpunta sa mall ha. Ngayong magkalayo kami, halos araw-araw syang nagpapadala ng picture nya dahil meron syang webcam sa ofis. Tapos makikita ko na sinubukan nya yung hairstyle nung vocalist ng Orange and Lemons ba yun. Hideous! Patawa di ba.

Wala naman talagang sikreto ang isang happy, happy relationship. Palagay ko alam naman ng lahat ng couples ang mga bagay na dapat i-nurture, iwasan, or tiisin para i-maintain ang magandang samahan. Napakaraming combination at walang iisang formula.

Tatanungin mo bakit kahit mag-control F ka e wala sa taas yung love. Palagay ko kasi given na yun, nasa sa inyo na lang kung paano io-operationalize.

In the making pa ang ending ng story naming dalawa. Alam kong maraming couples ang mas matagal pa samin at siguro mas masaya pa pero nauwi rin sa wala. Kaya kahit Catholic sya at ako hindi, pareho yung request namin na sana nga sa huli meron kaming little Atari at little Aiko.

Happy, happy hny at luv2 u so much.

Two months and 25 days bago ako bumalik ng Pinas. Naisip kong magpaka-senti at magsulat ng walang kawawaan. Okay kasi ang ambience dito sa bahay, mag-isa ko lang, hindi pa ako naliligo, alas-dose na ng tanghali, at kailangan ko pang magluto ng lunch. Kinakantahan pa ako ni Don Mclean ng walang kamatayang And I love you so.

Tapos nga kababasa ko lang ng dalawang libro ni Bob Ong. Kaya ganito ako magsulat. Instant inspiration kumbaga. Mas masaya palang magsulat ng ganito. Danke schoen Bob!

Hirap simulan ng kuwento. Siguro pwede kong sabihin muna kung paano ako napadpad dito. Nagsimula to July last year. Stressed out na ako sa work sa UP kung saan three years din akong naging model employee. Dumating yung time na mas madalas na yung ranting kesa raving tungkol sa work environment. Hindi sa nature ng work, kundi sa work environment. Yun bang tipong ayaw mo ng pumasok kahit pa merong cute sa opisina nyo (pero sa totoo wala). So nagsimula na akong maghanap ng ibang work. Naghanap siempre ako sa internet. May nakita ako sa eldis.org, research internship sa Johanneburg, South Africa. Hindi nila sagot ang plane fare pero may maliit na allowance pagdating dun. Bahala na, nag-submit lang ako ng CV at kinalimutan ang lahat. May nakita ulit ako sa isa sa mga forum sa www.peyups.com (plugging!), sa isa namang quasi-government organization na nag-iimplement ng anti-corruption project sa Mindanao. Pero funded ng USAID. Bawal tumaas ang kilay. Meron pa pala akong isang inaplayan, government naman ng Japan ang may hawak. Ang learning point naman dito, pag pala hindi ka naghahabol ng trabaho puwede kang maging maangas. Hindi mo kasi kailangang i-please yung mga nag-iinterview sayo. Puwede mong sabihin sa kanila na kamote sila at pinahirapan ang mga Pinoy nung WWII at hanggang ngayon. Tapos nagpapanggap silang mabait at tinutulungan kunwari tayo thru ODA. Patawa pala kayo e. Bakkero!

Siempre hindi ko sinabi yan. Pero masaya akong lumabas ng building na yun kahit alam kong hindi na nila ako tatawagan ulit. Natanggap ako dun sa anti-corruption project. Okay kasi yung interview ko, ginalingan ko yung bola at dahil lawyer yung kausap ko nagkaintindihan kami. So, umalis na ako sa UP at nagsimula sa bagong mundo September last year. Masaya dun sa bagong opisina, napakalayo nga lang. Kasumpa-sumpa ang biyahe dahil nasa Malate. Sinubukan kong mag-round trip from Cubao to North Edsa to Baclaran, yung tipong sasakay ka sa Cubao then hindi ka na bababa sa North Edsa dahil yun din naman yung train na babalik papuntang Baclaran. Para hindi mo na kailangan makipagtulakan at makipag-apakan sa isanlibong tao tuwing umaga. Minsan lumulusot, madalas hindi. Ang pwede lang daw gumawa dun sabi nung guard, matatanda, may kapansanan o buntis. Since mahirap magpanggap na matanda o pilay, sabi ni hny sabihin ko daw buntis ako. Napakapatawa.

Malapit sa LST ang ofis. Kaya araw-araw ang dami kong kasabay na mga students na taga-LS. Alam nyo ba yung kwento tungkol sa tatlong estudyanteng taga-UP, taga-…. at taga-…? Okay wag na lang.

Yung opisina ko pala dun ay nasa fifth floor, walang elevator, 80-100 steps ata. Parang Lourdes Grotto sa Baguio. Bale pag dumipa ka, halos abot mo na yung kabilang pader. Dalawang maliit na cubicles, isang linya ng telepono, at dalawang computers na may kalumaan na. At cork board. Kasama ko yung project coordinator na sobrang mabait sa maliit na space na yun. Seryoso yung sobrang mabait a. As in. Masaya ako dun sa bagong work kasi ang daming free travels. At walang stress. Maliban sa araw-araw na pag-e-MRT at LRT.

Bandang September, nakipag-communicate sakin si FH thru email, PM ng CSI (hindi yung series ni David Caruso a). Yan yung organization na inaplayan ko sa Johannesburg. Short-listed daw ako, ipadala ko raw yung ganito-ganyan. Excited naman ako at sinabi ko agad sa parents at hny ko. Nag-schedule ng phone interview, tapos less than a month after, natanggap daw ako kahit pa may kakamotehan ako nung interview. Ang sunod naming pinroblemang dalawa ay ang paghahanap ng funding para sa plane fare. Mabait naman dahil wala naman talaga sa usapan na sasagutin nila yung pamasahe ko papunta dun, pero tinulungan pa rin nya akong maghanap ng funding. Bale dapat October palang lumipad na ako pa-Joburg. Pero dahil ayokong mag-Pasko mag-isa at malayo sa mahal sa buhay, sabi ko January na lang ako pupunta dun. Pumayag naman at nung _____ nakabili na ako ng tiket. Hulaan kung sinong nagbayad ng plane fare ko.

Siempre malungkot na masaya kami ni hny, 6 months akong mawawala at yun ung first time sa loob ng six years na magkakahiwalay kami ng ganun katagal. Ang pinakamatagal kasi na paghihiwalay namin ay two weeks dahil sa Christmas break. End of January ang effectivity ng resignation ko sa ofis. January 28 ang flight ko. Si hny at mommy ang naghatid sakin. Overweight ang luggage ko. Ang dami kong inalis, pero naiwan ang mga stilettos.

January 29 andito na ako sa Joburg. Ang sumundo sakin ay ang future supervisor ko. Italian. Naghahanap ako ng matandang Italyanong may PhD. Ang nakita ko itsurang matanda dahil sa facial hair pero batang Italyano na may dalawang hikaw sa tenga. Cool.

Supervisor mo ang naghihila ng bagahe mo at sya pa ang chauffeur mo. Saka first name basis kayo. Anlupet.

Sinundo nya ako gamit ang isang old, yellow car at hinatid sa {*drumroll*}… 102 Gleneagles! Housemates pala kami, sort of. Nakatira sya sa cottage sa compound ng bahay na titirhan ko. For five months ganun ang sitwasyon, magkakasama kami sa compound at sabay-sabay kaming papasok sa ofis at uuwi pabalik ng Greenside. Iba-ibang mukha muna ang nadatnan ko dun at eventually nagsialisan din, bago naging ako, si J, si A, landlord at ang Italian supervisor/chauffeur.

Mabilis ko lang ikukuwento yung mga naunang buwan ko. Nakakatamad kasi. Siempre nung una nahihiya pa ako sa mga kasama ko sa bahay. Ang kasama at kausap ko lang madalas si Bob at Sherlock. Hindi ko pa rin alam na pwede palang i-exploit ang resources sa bahay, kaya nung mga unang araw at hindi pa ako nakakapag-grocery, ang breakfast ko lang is bread and nutella. Nalaman ko eventually na kasama pala sa bayad namin ang breakfast, including eggs, milk, bread, muesli. Nung tumagal pa, nalaman ko na puwede rin pala naming gamitin ang lahat ng spices sa cupboard including turmeric, basil, parsley, cumin, chili, olive oil, at ang maraming-maraming expired na spices at pagkain na naiwan ng mga naunang tenants tulad ng pita bread, jam, nori at iba pang weird matter na sa tagal ay hindi mo na ma-recognize. Isang beses, sinimulan kong itapon yung iba, nagalit sa akin yung landlord saka si A, wag daw magtapon ng pagkain, sabi ko expired na yun 2004 pa! Pwede pa daw yun. Since dalawa sila at si A ay nanggaling sa Mali kung saan millet lang ang pagkain, sige na panalo na sila.

Halos every week, either meron kaming dinner sa bahay or nagpupunta kami kung kaninong bahay at nakikiparty. Pag sinabing dinner sa 102 Gleneagles Greenside, i-expect mo na maganda ang table cloth, merong vase with fresh flowers, candle-lit, at engrande ang presentasyon ng food. At may picture taking before and after. Sa bahay lang namin yan at lima lang kami.

Kalaunan, nagte-take turns kami sa paghahanda ng dinner at madalas nag-iimbita rin ng mga friends (na ka-opisina rin) sa bahay. Maliit lang ang mundo ng mga expats dito. Kadalasan kami-kami lang ding magkakaopisina.

Less than 30 kaming staff ng international organization na to. Dati nasa Washington, DC ang hq pero dahil mahirap maghanap ng donors pag nasa States ka, lumipat sila dito sa Joburg. Siempre me iba pang dahilan. Pero hindi ko puwedeng i-broadcast.

Makulay ang composition ng ofis. Ang Sec-Gen, Indian-South African; may iba pang mga departments, pero siempre ang ikukuwento ko lang yung department namin, ang CSI.

Lilinawin ko lang na hindi kami nag-iimbestiga ng mga kaso ng mga namatay o nawawalang tao ditto sa Joburg. Hindi namin boss si David Caruso kundi isang blue-eyed, boyish-looking at uber-cute na German. Magkasama kami sa room kaya napagdesisyunan ko na kung gusto kong makapag-concentrate sa trabaho kailangan ko ng divider, otherwise maghapon lang akong nakatingin sa direksyon nya. Pinalagay yung divider sa harapan ng table ko na nakaharap sa kanya. Ngayon nakaharap ako sa pulang divider. Great!

May isa pa kaming kasama sa CSI room 2, isang guy na South African. Sa CSI room 1 naman, andun yung dalawa kong housemate, si A (American), si J (Kenyan), then si M (Egyptian) , si J (Venezuelan), at si N (Indian). Merong dalawang nakahiwalay ang room, yung supervisor cum housemate si L (Italian) at si R (Canadian). Bale para kaming maliit na version ng United Nations.

Lately, tumaas yung position nung cute na German kaya naghanap ng kapalit, isang cute na Austrian naman. Saka meron pang Eritrean/Swedish na dumating ulit. Hectic ang schedule at nakakawindang ang trahabo. Lahat passionate sa ginagawa nila at lahat willing magtrabaho over the weekend and even during holidays. Masaya na nakakawindang na life-enriching, yan ung adjectives na una kong naiisip tuwing magre-reflect ako tungkol sa experience ko dito.

Kung meron man akong regret, yun ung pagkakahiwalay namin ng hny ko. Pero in a way, okay pa rin kasi nagkaroon ng breathing space ang relationship namin na kahit hindi namin kailangan, dapat meron. Bago kami lumagay sa magulo, in two or three years. Sabi ko rin, na okay lang magkaroon ng fling na lubos na ikinabilib ni Pabs.

Minsan palang nagkwentuhan kami nila J, L, at A, nasabi ko na si hny ang nagbayad ng tiket ko. Sabi ni A, that’s so sweet, sabi naman ni L, yes, but maybe that’s his way of getting rid of you.

Sabi ko kay L, fck u. Sya ung supervisor ko.

Napagdesisyunan kong gumamit ng chop sticks para kainin ung natirang egg omellette at kaning lamig. Di ko alam kung bakit. Tapos pinagkaabalahan kong kunin at panoorin yung DVD ng The Social Economy in Glasgow (anlupet ng accent nila) habang kumakain ng Lay’s at mocha drink na recipe ni A.

Ang daming nangyari mula ng huling post ko (nga pala, kakabasa ko lang ulit ng dalawang libro ni Bob Ong kaya ganito ako magsulat ngayon, ABNKKBSNPLAko saka Stainless Longganisa).

Skip muna yung kwentong Glasgow tutal wala namang masyadong happening dun bukod sa nasira ko ung camera namin ng ‘partner’ ko, araw-araw na makulimlim at malamig, pero sabi nila summer na daw yun at 11pm na saka palang madilim, astig!

Backtrack muna pagdating namin ditto sa Joburg nung July. Nakuwento ko na pala sa huling post yung nadatnan naming sitwasyon sa Greenside, with luggage, jet lag and all, nadatnan naming wala kaming toilet and bathroom at may mga walang habas na nagmamaso ng pader. Eish.

Dahil pagod natulog pa rin kami dun siempre. Kinabukasan, ginising kami nung landlord at gumamit na raw kami ng banyo dahil andyan na yung mga workers. Unahan naman kami kahit na gusto pa naming mag-stay na lang sa bahay at matulog maghapon. Hindi ka nga pala makakatulog kung may nagmamaso ng pader sa ulunan mo.

May side story pa pala. Pag gising namin nung umaga ring yun (yes, that fateful day), merong mga pulis sa labas at loob ng bahay dahil may nagnakaw nung electric box namin sa gate. Shet, first time to!

Kahit na expected na namin na mangyayari to (ang attitude kasi dito sa hijack/rape/burglary/death: a disaster waiting to happen) dahil sa kawalan ng electric fence o barbed wire para man lang magdalawang-isip yung mga magnanakaw, medyo shock pa rin kaming tatlo. Kasi nga bangag pa kami sa jet lag e.

Dumating yung punto nung araw na yun habang nagra-rant kami sa isa’t-isa (si A, J, at ako) na naiyak na ako sa sobrang depressing na sitwasyon. Ok lang to dahil sinabi ko na sa kanila dati pa na iyakin talaga ako. Si A nga medyo may sakit pa rin nun (may sakit sya buong duration ng ICSI at World Assembly) at ako nagsisimula ng magkasakit. So understandable kung bat cranky kami.

Pagod ka dahil sa dami ng trabaho sa ofis, pagdating mo sa bahay, marumi at may ‘ïbang tao’. Kaya pala maraming nagdi-divorce sa ganitong grounds J (Dito sa Joburg lalo na pag expat ka [naks], paranoid ka sa ‘ibang tao.’)

Nag-isip na kami ng solusyon pagkaraan ng dalawang araw dahil mukhang wala kaming makitang liwanag sa dulo ng tunnel. Hindi pala magagawa ng dalawang araw yung banyo. Kung alam mo yung bricks na gamit sa mga lumang simbahan, ganun ung itsura nung banyo dahil tinuklap yung mga tiles, dahil ditto nawala rin ung katiting na insulation, kaya pagpasok mo sa banyo para kang pumasok sa meat freezer.

Ang brilliant solution namin: kapalan ang mukha at makitira sa kaibigan. Dahil wala naman akong kaibigan, kaibigan ni J ang nilapitan namin. Si A, Pinay at katulad rin nyang volunteer. Nakilala ko na rin si A bago pa man yung bathroom disaster, nung nagpaparty kami sa Greenside bago kami umalis pa-Glasgow.

Fast forward dahil pagod na ako magsulat (sinulat ko muna sa notebook to!). Nahalata namin na hindi na nga matatapos yung grand construction sa bahay. Ang ending pagkatapos naming makitira ng ilang araw kay A: ako mas kinapalan pa ang mukha at nagtanong kung puwede bang dun na lang ako tumira hanggang October 13 (flight ko pabalik sa Pinas) at si J lumipat naman sa Newtown kasama yung isa pa naming ka-opisina. Walking distance lang sa ofis yung place nya. Sabi nga nung Austrian PM namin kay J, now you can work more. Joke lang pero medyo hindi nakakatawa dahil alam naman ng lahat na halos sa ofis na nakatira ang CSI team dahil sa trabaho. Kasama na ako dun.

Ngayon, almost one month na mula ng dumating kami galing sa mahal at nakakapagod na Glasgow adventure namin, pero hindi pa rin tapos ang banyo at wala pa ring electric gate. Nabalitaan rin namin na dun na natutulog si landlord sa loob ng banyo hehe Joke lang ulit, kahit naman medyo nagkasamaan kami ng loob, like ko pa rin sya. Saka maayos akong nagpaalam sa kanya nung gabi ng farewell party ni A (American housemate/officemate/close friend). As in naiyak pa ako (best actress!), habang nasa harap kami ng bonfire at may mga lasing na nagsasayawan at nagdedebate tungkol sa kawalan ng kaalaman sa world geography ng mga Amerikano (!). Dahil dito, nalaman niya na hindi ko naman talaga gustong umalis kaya lang logistics-wise hindi praktikal na tumira pa ako dun. Malayo kasi at mahirap maglakad ng 30-45 minutes papuntang sakayan ng taxi, lalo na kung apat sa sapatos mo ay stillettos. Sabi nya, bilhin ko na lang daw yung kotse na binebenta nung isa kong ka-opisina na paalis na rin. Sabi ko, (patawa ka ba) hindi ako marunong magmaneho. Kaya yun, feeling ko nakumbinsi ko na rin sya na wag na akong singilin sa renta hahahaha

So yun bale yung last party namin sa Greenside, kung saan ako tumira ng limang buwan. Nagluto, namasyal, tumawa, umiyak, at naglasing kasama ang isang Amerikanang nagserve for 2 years sa US peace corps sa Mali at isang Kenyan na 2 years ding volunteer sa India. Last party bago namin isinara yung chapter na yun ng buhay namin sa 102 Gleneagles.

Endless dinner parties at night outs, yan halos ang summary ng Gleneagles experience ko. Pero tulad ng maraming dinner parties at night outs, pag may lasing na, kailangan ng magpaalam sa host at umuwi.

Learning points sa Greenside:

  • Ang Mali ay bansa sa West Africa at ang capital nito ay Bamako.
  • Ang salita nila ay Bambara (Nanikama=Good job)
  • Huwag uminom ng vodka kapag hindi pa nag-dinner
  • Mag-isip munang mabuti kung gusto mo ba talagang mag-volunteer sa India
  • Okay lang maglakad ng 45 minutes pauwi ng bahay basta may mga kasama kang naglalakad rin at may baon kayong cashew nuts
  • Okay lang maglakad ng 45 minutes pauwi ng bahay kahit na nakasuot ka ng pointy shoes, basta alisin mo to 5 minutes after magsimula kayong maglakad
  • Puwedeng gawing curry ang kahit anong gulay
  • Mahalaga ang cumin at turmeric para sa authentic na curry
  • Pwedeng ilagay sa freezer ang brown bread para tumagal ang shelf life, ganun din ang gatas
  • Ang dhal ay isang uri ng legume (ang alam ko lang munggo e) at kinakain to (dhal curry)
  • Pwedeng araw-araw kumain ng curry ng hindi ka naman bumabaho
  • Makakasurvive ang Pinoy ng walang tabo (water dipper) sa banyo J, para-paraan lang

Newer Posts Older Posts Home