funkylady

Hindi yan typo. Nagsimula yan years ago, every 23rd of the month, nagsasabihan kami nyan ni hny. Happy, happy [count number of months together]. Bakit kailangang ulitin yung happy? Dahil feeling naming dalawa parang hindi masyadong masaya pag happy lang. Parang kulang. Parang nickname nating mga Pinoy; Bong-bong, Ning-ning, Ging-ging, Mon-mon. Okay foul yung last name. Super sorry sabi nga ng mga dalagita sa kwento ni Bob (sa lahat ng kuwento na sinulat ko today, lahat andun yung name ni Bob).

Ngayon bakit four times ang happy sa post na to? Dahil bukod sa happy, happy 76th month; happy, happy birthday rin sa hny. Corny no.

Ang tagaaaaal na namin, as in. Ngayon ko lang din na-realize. Naging kami, 21 pa lang sya at 19 naman ako. Nge ang tanda na natin bun!!

Problemang malaki dahil para sakin hindi ko kayang i-summarize ang six years and 4 months na yun into one short post. Or in one long novel na kasingkapal ng Name of the Rose ni Umberto Eco. Saka hindi ko rin kayang sabihin ang sikreto kung bakit inabot kami ng ganito katagal. Kasi wala namang sikreto. Basta ang alam ko lang kung yung isa sa couple ay pangit ang ugali dahil immature, mababa yung EQ (aka impatient), at control-freak dapat mabalanse yan nung isa. So dapat yung isa ay mature, mataas ang EQ, at willing magpa-control. Ngayon okay lang hulaan kung sino at sino saming dalawa yun. Hehe

Dapat din pala nakakapag-usa kayo hindi lang bilang couple kundi bilang magkaibigan rin. Halimbawa, kami nag-uusap tungkol sa music, books, food, at buhay ng mga ka-opisina at kabarkada. Pwede ring hulaan dito kung sino saming dalawa yung mahilig magkwento tungkol sa buhay ng ka-opisina at kabarkada. Sigurado ako magkakamali ka ng hula.

Kahit na magkalayo kami ng milya-milya at anim na oras ang difference ng time zone namin, hindi excuse yun para hindi mag-usap. Kaya hanggang ngayon hindi ko pa bayad ang phone bill ko since March. Nakita ko rin sa phone bill na almost everyday ay may tawag ako sa cellfone mo bun.

Pag ganito na katagal yung relationship ninyo, marami kang matututunan tungkol sa sarili mo at marami ka ring madidisprove. Tulad na lang ng kadaldalan. Akala ko madaldal na ako. Sabi kasi ng parents ko, nun daw bata ako meron daw akong taped monologue na nagkukuwento ako tungkol sa kalabaw. 90 minutes yun, hindi ko alam kung anong nakain ko bat ako nagkwento ng ganun. Pero yung mga matatanda, alam kung anong nakain ko. Sila ang nagpakain nun e. Shet na pamahiin yan.

Yun, akala ko madaldal na ako. Pero meron palang mas. Yung tipong kailangan mong sabihin na ok natutulog na ako o kaya nagbabasa po kaya ako.

Akala ko rin vain ako. Pero may mga studies na nagsasabing mas vain daw ang mga guys. Sigurado ako bun na isa ka sa na-interview dun sa study na yun. Meron syang (ano yung opposite ng kikay kit? Dow- Pogi Pack), yun. Na naglalaman ng Clinique happy for men, Ralph Lauren na facial wash, sabon, toothbrush, toothpaste, mouth wash, hair wax, at face towel. Okay lang yan, at least hindi amoy pawis ang boyfriend mo di ba.

Isa pang palatandaan na destined to be together kami. Kasi meron akong bisyo na akala ng parents ko ay isang abnormality. Mahilig akong magkuskos ng paa sa kulambo. Pero simula nung mag-college ako, ni-restrain ko na yung sarili ko, eventually nawala rin naman. Kaya nagulat ako ng nalaman ko na ganun ka rin bun. Sobrang coincidence!! At nalaman ko rin na hindi lang tayong dalawa ang may ganitong bisyo. Meron akong roommate dati na nagbabaon pa talaga ng kulambo kahit na mago-overnight sya sa bahay ng classmate. Tapos may isa pa na iginawa talaga sya ng nanay nya ng maliit na unan na nababalot ng kulambo para dala nya kahit saan. Tapos meron din akong kakilala na pagdating ng bahay, naglalagay ng fishnet sa paa para kahit na san sya pumunta sa loob ng bahay, nakakapagkuskos sya ng paa.

Tapos siguro dahil na rin sa tagal ng pagsasama namin, eye contact pa lang alam na ng isa yung message. Di na kailangan ng sms. Either merong nakakatawa sa paligid o merong problema. Halimbawa, andyan na yung kaklase namin na naka-tuck in ang damit sa blip o kaya kailangang mag-p**p sa school. Nagpapasahan rin kami ng notes habang nasa klase. Kung hindi sya busy sa pagdo-drawing at ako naman sa seryosong pagno-notes.

Leo rin kami pareho. Pero napakadalang na nagka-clash kami kasi okay lang sakin na minsan panalo sya sa Boggle. Madalas nagko-complement pati mga pangarap namin sa buhay. Gusto nyang magtayo ng foundation para sa mga bata, ako naman gusto ko ng haven para sa orphaned elderly. Kami rin ang number one fan at critique ng bawat isa.

Lagi rin kaming nandyan para sa isa’t-isa. As in literally. Halimbawa pag hindi sya pwedeng pumasok sa MA class at hindi makaka-attend sa group meeting dahil may coup attempt sa palasyo. Since pareho naman kami ng group, representative ang kahit sino sa aming available na umatend na kadalasan ay ako. Pero hindi kami nagta-tag team sa exams. Isa pang halimbawa, pag naglalaro sya ng Doom o kaya ng Medal of Honor, taga-cheer nya ako pag natatalo nya yung mga kalaban at taga-console naman pag nahihirapan na sya sa isang level. Ganun din sya sakin nung dating na-addict ako sa Pokemon, Battle Realms, Sim City, Sims, at Ragnarok.

Meron pa palang isang importanteng element, respect for each other. Halimbawa, gusto nyang magpatugtog, e nagbabasa ako ng libro at ayoko ng maingay, so either hinaan nya yung volume or i-turn off totally yung radio at magbasa na lang din, since hindi rin naman nya ako makausap. Respect. Pag may pupuntahan kami, tapos ayaw ko ng suot nyang damit, either magpalit sya or hindi kami aalis o maghapon akong nakasimangot. Respect.

Kadalasang masaya yung relationship namin kasi siguro may pagka-weird kaming dalawa at maraming pakulo ang naiisip. Andyang mag-coordinate ng suot na damit sa wedding ng friend. Naka-cheongsam ako at siya naman e nakabarong na may Chinese collar. Ganun. Hindi ko sinabi na mag-pareho ng kulay ng suot at magpunta sa mall ha. Ngayong magkalayo kami, halos araw-araw syang nagpapadala ng picture nya dahil meron syang webcam sa ofis. Tapos makikita ko na sinubukan nya yung hairstyle nung vocalist ng Orange and Lemons ba yun. Hideous! Patawa di ba.

Wala naman talagang sikreto ang isang happy, happy relationship. Palagay ko alam naman ng lahat ng couples ang mga bagay na dapat i-nurture, iwasan, or tiisin para i-maintain ang magandang samahan. Napakaraming combination at walang iisang formula.

Tatanungin mo bakit kahit mag-control F ka e wala sa taas yung love. Palagay ko kasi given na yun, nasa sa inyo na lang kung paano io-operationalize.

In the making pa ang ending ng story naming dalawa. Alam kong maraming couples ang mas matagal pa samin at siguro mas masaya pa pero nauwi rin sa wala. Kaya kahit Catholic sya at ako hindi, pareho yung request namin na sana nga sa huli meron kaming little Atari at little Aiko.

Happy, happy hny at luv2 u so much.

1 comments:

kahit super late, super love ko ang post na to. *kilig*

7:44 PM  

Newer Post Older Post Home